[EDITORIAL] Bantayan ang bicam – ‘the room where it happens’
Mahirap ang buhay ngayon – double digit ang rice inflation. Kaya’t naging mainit na usapin ang confidential funds ng mga ahensiya ng gobyerno, lalo na ‘yung hinihingi ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte na P500 milyon para sa Office of the Vice President (OVP) at P150 milyon naman para sa Department of Education (DepEd).
Ngayong tinanggal na ng House of Representatives and confidential funds ng limang ahensiya kasama ang mga nasa ilalim ni Sara at Presidente Ferdinand Marcos Jr., puwede na ba tayong makahinga nang maluwag?
Hindi pa. Sabi nga ng House reporter na si Dwight de Leon, “Hindi pa tapos ang laban… Last year tinanggal ng Senate ang confi funds ng depEd, nag-celebrate na tayo, tapos nung nag-meet ang representatives ng House at Senate for a bicameral meeting, ibinalik ang confi funds ng DepEd.”
Bicam ang “room where it happens.” Ito ang makapangyarihang pulong kung saan nama-magic at naibabalik ang mga tinanggal at nare-re-insert ang mga na-delete na. Sounds obscene ‘di ba?
Obscene dahil sa mga ganitong pagkakataon, malinaw na mas pinakikinggan ng mga pulitikong nakaupo dito ang bulong ng kaibigan at kakontsaba kaysa daing ng taumbayan. Kasi, bilang last gatekeeper, ang bicameral conference members dapat ang tagapag-disiplina sa kalabisan ng kanilang mga kasamahan – ang taga-mitigate ng greed. Pero baligtad, sila pala ang enabler at kunsintidor.
Balikan natin ang ilang mahahalagang punto sa confidential funds.
- WALA SA MANDATO. Dapat gamitin ang confidential funds para sa “surveillance activities in civilian government agencies that are intended to support the mandate of the agency.” Operative word ay “mandato.” At wala sa mandato ng OVP or DepEd ang maniktik.
- NEW GAME IN TOWN. Mula 21 ahensiya noong 2016, lumobo na sa 28 ang nanghihingi ng confidential funds para sa 2024 sa kanilang budget.
- PAMANANG DUTERTE. Mula P728.97 milyon noong 2016, lumobo ang confidential funds sa national budget ni Rodrigo Duterte noong 2017 sa P2.08 bilyon. O di ba? Hindi lang “kill, kill, kill’ ang pamana ni Digong, pamana rin niya ang “spend, spend, spend,” no receipt required.
- HANEP SA INILAKI. Nitong nakaraang budget season, umaabot na sa P10.1 bilyon ang hiningi ng ehekutibo kung saan P4.56 bilyon ang sa opisina ni Marcos Jr. Bago si Duterte, ang confidential at intelligence fund allocations ng OP ay hindi lumalagpas ng 1 bilyon.
- SUPER EASY APPROVAL PROCESS. (Hindi po ito ad para sa loan sa bangko.) Ayon sa batas, kailangan ng basbas ng presidente para ma-tap ang intelligence funds. Pero sa confidential funds, mas madali pa sa bank loan, no documents required ika nga, kailangan lang ng go-signal ng kalihim ng ahensiya.
- IKUMPARA SA TUNAY NA SECURITY AGENCY. Halimbawa, ang Coast Guard na laging nakikipaggitgitan sa mga barko ng Tsina – na malinaw na national security function – at nagdadala ng pagkain at supply sa mga sundalo sa Ayungin Shoal, ay may P10 milyong intelligence fund budget.
- BULAG ANG BAYAN. Uulitin natin, walang matinong auditing na mangyayari sa confidential and intelligence funds kung hindi kailangan ang resibo kapag nagdedeklara ng expenses na naka-charge sa mga pondong ito.
- PAANO NA ANG KARAPATANG PANTAO? Kung walang totoong oversight, paano masisilip ang maling paggastos sa kuwestiyonableng surveillance at interrogation? Sa panahon ng matinding red-tagging, paano matitiyak na hindi mapupunta ang pondo sa pagtugis ng mga kritiko ng gobyerno?
Transparency at accountability ang mga prinsipyong nasa likod ng responsableng pamamahala. Saan na tayo pupulutin kung wala niyan?
Sabi nga ng video na ito, kapag humingi sa ‘yo ang anak mo ng P10,000, ibibigay mo ba, without any reservations?
Pero sabi nga ni Inday Sara, lahat daw ng pulitiko sinungaling. “Walang isang kandidato diyan na hindi nagsisinungaling, kaya hindi dapat nagiging issue ang honesty ngayon (eleksiyon).”
Eh papaano na, kung walang resibo, pero sinungaling ang nagsa-submit ng expense report? Nakakaloka.
Why does it matter? Ang hirap na nga ng buhay, dapat pa ba nating problemahin ang confidential funds? Pakinggan natin ang paliwanang ng Rappler multimedia reporter na si Bonz Magsambol.
Sabi niya, “‘Yung tax na ibinabayad mo dapat sa basic social services napupunta. Isipin natin ‘yung mga anak natin dapat nakaupo ng isa lang, hindi dalawa, sa isang upuan. Hindi sila dapat nagshe-share sa textbook. Dapat ‘yung mga laptops meron sila, pero wala dahil walang budget, pero may budget para sa confidential funds.”
Tulad nga ng sabi ng isang Rappler editor, “Pastilan!” #BudgetWatch – Rappler.com